CAUAYAN CITY- Pinatay sa sakal ang tatlong bata ng kanilang ina sa Barangay Caliguian, Burgos, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni P/Sr. Insp. Randy Cabaddu , hepe ng Burgos Police Station na ang suspek ay si Marilyn, Foronda, 35 anyos tubong Rosales, Pangasinan at nakapag-asawa ng taga Caliguian, Burgos, Isabela ng isang seaman na kasasakay pa lamang ng barko.
Ang mga biktima ay sina Adam McWane, 3 anyos; Stephen Dane, 2 anyos at Shansha Sarah, 3 buwang gulang.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Municipal Health Office at Scene of the Crime Operatives (SOCO) na namatay sa sakal ang 3 batang biktima.
Si Adam Wayne ay posibleng sinakal at namatay pa kagabi dahil matigas na ang katawan ng matagpuan at maaaring kaninang madaling araw naman sinakal si Stephen Wane habang kaninang umaga lamang sinakal ang 3 buwang gulang na sanggol.
Inihayag ni Barangay Health Worker Jona Corpuz, na tinanong niya ang hipag ng suspek kaugnay sa kanilang Phil. Health ngunit sinabi sa kanya na hindi pa lumalabas sa bahay si Marilyn.
Kumatok anya siya sa pintuan ng mag-iina na nakasarado at dito nakita sa nakabukas na bintana ang 7 anyos na batang si Casidy Misha at tinanong niya kung nasaan ang ina na itinuro ng bata.
Hinawi anya ng suspek ang kurtina ng kanilang bintana at nagsisigaw na patay na sila at kung anu-ano ang mga pinagsasabi.
Matalim anya ang mga mata ng suspek at nawawala sa sarili.
Nabahala anya siya kaya pinakiusapan ang suspek na kung maaari ay tingnan ang kanyang sanggol at dito nakitang namumutla kayat humingi na rin siya ng tulong sa mga kapitbahay at mga kamag-anak ng mga biktima.
Nakipag-ugnayan sila sa mga otoridad at dinakip ang ina ng mga bata na nawawala sa sarili.