CAUAYAN CITY – Naging panata na ng isang grupo ng mga senior citizen ang dumalaw sa ibat ibang simbahan dito sa Region 2.
Bawat simbahan na kanilang bibisitahin ay magpa-pasyon sila sa loob ng tatlong oras.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng lider ng grupo na si Ginang Edna Angobong ng Tumauini, Isabela, isang retiradong kawani ng pamahalaan na naging panata na nila ang mag-visita Iglesia bago ang Linggo ng Palaspas.
Naniniwala ang grupo ni Gng. Angobong na gumagaan ang kanilang pakiramdam sa tuwing sila ay nakakatugon sa kanilang panata kaya’t hiling nila ang mahabang buhay at magandang kalusugan.
Tiniyak pa niya na hindi sila titigil sa kanilang nakaugalian hangga’t hindi maipapasa ito sa susunod na salinlahi ng mga magpa-pasyon.
Aminado si Gng. Angobong na halos nawawala na ang kaugalian na pagpa-pasyon sa Semana Santa ngunit sa kanilang lugar sa Tumauini, Isabela ay hindi nila ito nakakalimutan.
Ang grupo nila ay nanggaling na sa mga simbahan sa Piat, Cagayan, San Pablo at Sta. Maria, Isabela habang kaninang tanghali ay galing sila sa Shrine of Our Lady of the Visitacion sa Gamu, Isabela.




