CAUAYAN CITY- Patay ang isang magsasaka matapos saksakin ng kanyang nakainuman dahil lamang sa usapin kaugnay sa tangkang paghahalay sa asawa ng pinaghihinalaan.
Ang nasawi ay si Virgilio Pacheco, 51 anyos habang ang suspek ay si Freddie Callangan, 37 anyos na kapwa residente ng Pangal Norte, Echague, Isabela.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nag-iinuman ang dalawa sa bahay ni Delfin Ruma at nauwi sa mainitang pagtatalo matapos pag-usapan ang tangkang paghahalay kamakailan ng hindi pa nakikilalang lalaki sa asawa ng suspek.
Ayon sa kwento ng pinaghihinalaang si Callangan, isang lalaki ang nanloob sa kanilang bahay habang nag-iisa ang kanyang asawa.
Aniya, mabuti na lamang at nakakuha ng itak ang kanyang misis at hinabol ang lalaki.
Dito ay bigla na lamang umanong nagalit ang biktimang si Pacheco at tinulak ang suspek.
Agad bumunot ng samurai si Callangan at inundayan ng saksak ang biktima na nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad dinala sa pagamutan ang biktima subalit agad ding binawian ng buhay habang nadakip naman si Callangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Callangan, handa niyang harapin ang kasong isasampa laban sa kanya at kung makikipag-areglo man ang pamilya ng biktima ay nakahanda rin siyang makipagtulungan.




