--Ads--

 

CAUAYAN CITY – Patay ang magkapatid na bata  matapos malunod sa  irrigation canal ng National Irrigation Administration (NIA)  sa Rang-ayan, Aglipay, Quirino.

Ang mga biktima ay ang magkapatid na Lyka Ligsay, 8 anyos at Jerome, 6 anyos residente sila  sa Rang-ayan, Aglipay, Quirino.

Nakaligtas ang kasama nilang si Jerson Gandia, 8 anyos.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Rafael Madrid, deputy Chief of Police ng Aglipay Police Station, sinabi niya na  ang magkapatid ay isinama sa bukid ng kanilang mga magulang na sina Barangay Kagawad Dilmar Ligsay at Divina Ligsay  upang magtanim ng mais.

Lingid sa kaalaman nila ay sumama ang magkapatid sa iba pang bata para maligo sa irigasyon.

Nang makarating sa drop ng main irrigation canal, ang 3 bata  ay nagkulitan   hanggang  mahulog si Jerome.

Sinikap siyang sagipin ni Lyka ngunit tinangay sila ng malakas na agos ng tubig.

Sinikap din silang iligtas ni Gandia na tinangay din ng malakas na agos ng tubig ngunit mayroon siyang nakapitan kaya nakaahon at agad na humingi ng tulong sa kanyang mga magulang.

Patay na ang magkapatid na Ligsay nang sila ay matagpuan ng mga nagsagawa ng rescue operation.