CAUAYAN CITY – Nagamit ng isang karaniwang kawani ng Local Gov’t Unit ng Gamu, Isabela ang kanyang natutunan sa pakikinig sa pagpapaliwanag ng mga kasapi ng Rescue 831 nang magkaroon ng Farmer’s Congress sa nasabing bayan.
Si G. Marino Calauad ng Gamu, Isabela ay pinarangalan ng Provincial Government sa pamamagitan ng ibinigay na Plaque at pera dahil na rin sa kanyang kabayanihan makaraang iligtas ang isang muntik nang malunod na bata sa kanilang lugar.
Batay sa nilalaman ng kanyang Plaque of Appreciation, nakasaad na si G. Calauad ay nakinig, isinapuso at tinandaan niyang mabuti ang mga naging paliwanag ng mga kasapi ng Rescue 831 habang nagkakaroon ng programa sa Community Center ng Gamu kaugnay pa rin sa Farmer’s Congress.
Nakagawian na bahagi pa rin ng Farmer’s Congress ang pagpapaliwanag ng mga taga Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at Rescue 831 hinggil sa kahalagahan ng mga safety tips maging ang iba’t ibang pamamaraan upang makaiwas sa sakuna ito man ay gawa ng kalikasan.
Maaring sa mga susunod na patimpalak ng Disaster Risk Reduction Management ay isasali rin sa panlalawigang antas hanggang sa pambansang antas ang kabayanihan ni G. Marino Calauad.




