CAUAYAN CITY- Bukas para sa lahat ng mga drug dependents hindi lamang sa lalawigan maging sa kalapit na lalawigan at rehiyon ang Department Of Health Drug Abuse Treatment Rehabilitation Center na matatagpuan sa San Antonio, Ilagan City
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Esperjon Para Jr. head psychological services section ng DOH, kanyang kinumpirma na hindi na kailangan pang magtungo sa malayong lugar dahil operational na noong pang Abril, 2017 ang naturang rehab center
Sa katunayan aniya ay may walong pasyente ang kasalukuyang sumasailalim ngayon sa rehabilitasyon para sa tuluyan nilang pagbabago.
Batay sa paliwanag ni Dr. Para, kailangan umanong boluntaryong magtungo ang naturang drug dependent upang makita ng DOH accredited physician na siyang susuri kung potensyal na sumailalim sa rehabilitasyon.
Kailangan din umanong kumuha ng court order ang nais sumailalim sa rehab center at medical certificate na nagpapatunay na siya ay physically at mentally fit.
Ayon pa kay Dr. Para, ang naturang rehab center ay kayang umukopa ng nasa 50 hanggang 100 daang pasyente.
Tatagal nang 6 na buwan hanggang isang taon ang gamutan depende sa ipapakitang ugali ng mga sasailalim sa rehab center.
May inilaan din oras upang mabisita ng kanyang pamilya ang mga sumailalim sa rehabilitasyon.




