CAUAYAN CITY – Kakasuhan ang nurse na kapatid ng isang COVID-19 patient sa Ilagan City, matapos mapag-alaman na kasabwat sa pagpapalusot at hindi pagsunod sa mga Health protocols nang dumating sa lalawigan ang kanyang kapatid na nagpositibo sa virus.
Una nang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na nagawang makauwi sa Ilagan City si CV-141 na isang buntis na locally stranded individual na mula sa Caloocan City gamit ang isang pribadong sasakyan.
Batay sa ipinipresentang mga dokumento ng nasabing LSI sa mga nangangasiwa sa mga checkpoint, ay uuwi siya sa Tumauini, Isabela ngunit bumaba siya sa Lunsod ng Ilagan at umuwi sa Brgy. Manaring na hindi sumunod sa health protocols ng inilalatag ng pamahalaang panlalawigan at pamahalaang lokal.
Dahil sa pagkakatala ng COVID19 positive patient sa barangay Manaring ay isinailalim sa ECQ ang dalawang purok sa nabanggit na barangay.
Inihayag ni City Mayor Jose Marie Diaz na papatawan nila ng kaukulang parusa ang Nurse na kapatid ni CV 141.
Ang nasabing Nurse ay empleyado pa ng Provincial Health Office dahil kasama ito sa mga lumabag sa mga inilatag na mga Health protocols na umiiral sa suidad.
Ayon sa tagapagsalita ng City Inter-Agency Task Force, Focal Person Ricky Laggui, nagawa umanong matukoy ang pakikipagsabawatan ng nasabing Nurse sa kanyang kapatid na makauwi sa kanyang tahanan.
Ito ay inamin din mismo ng COVID-19 positive patient sa C.I.A.T.F.
Dahil dito nakikiusap ang pamahalaang Lunsod sa taumbayan na tumulong sa pamahalaang lunsod upang matukoy ang mga pumupuslit na makauwi sa kanilang mga barangay na hindi sumasailalim sa quarantine at iba pang health protocols.
Samantala, bukas din ang Isabela Provincial Health Office na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pangyayari.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Nelson Paguirigan sa oras na mapatunayang may paglabag sa mga ibinabang protocols ang kanilang kawani ay kinakailangan nitong managot at harapin ang mga ipapataw na parusa na naaayon sa batas.
Idinagdag pa ni Dr. Paguirigan na hindi inaasahan ng kanilang tanggapan na isa pa sa mga itinuturing na frontliner ang gagawa ng nasabing paglabag.




