
CAUAYAN CITY – Timbog sa magkahiwalay na operasyon ng Santiago City Police Office o SCPO Station 1 at Station 2 ang dalawang binata matapos na masangkot sa pagtutulak ng iligal na droga.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Reden Jay Palangdao, 29-anyos, binata at residente ng Rosario, Santiago City at si Regie Fontanilla, 21-anyos, fruit vendor at residente ng Victory Norte, Santiago City.
Sa pakikipagtulungan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU), Station Drug Enforcement Unit at PDEA Region 2 ay ikinasa ang operasyon na nagresulta ng pagkakadakip ng mga pinaghihinalaan.
Bitbit ang isang pakete ng hinihinalang Marijuana, nakipagtransaksyon si Fontanilla sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer kapalit ng dalawang daang piso habang huli rin sa aktong pagtutulak ng isang sachet ng hinihinalang droga si Palangdao sa isang Pulis na nagpanggap na poseur/buyer kapalit ng limang daang piso.

Kabilang si Palangadao sa Street Level Individual List ng mga awtoridad habang kabilang naman sa talaan ng PDEA si Fontanilla.
Kapwa mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002) ang mga pinaghihinalaan na nakapiit na ngayon sa Santiago City Custodial Facility.




