Muling inayos ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang listahan ng mga ebidensiyang gagamitin sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos muling suriin ang mga dokumento.
Sa dokumentong inilabas noong Oktubre 12, sinabi ni Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang na hinati sa pitong grupo ang mga ebidensiya upang mas madaling maunawaan ang mga ito.
Kabilang dito ang mga dokumentong binanggit sa trial brief ng prosekusyon, mga rekord ng mga testigo, mga talumpati ni Duterte at iba pang umano’y kasabwat, mga datos, at mga impormasyong nakuha mula sa iba’t ibang source.
Ayon sa prosekusyon, 253 item na ang inalis sa listahan matapos ang panibagong pagsusuri. Posible rin umanong alisin ang halos 7,000 pang item kung magkakasundo ang prosekusyon at depensa sa ilang usapin.
Kabilang sa mga datos ang mga rekord ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa mga nasawi sa mga operasyon laban sa droga at iba pang kaugnay na pagpatay sa panahong saklaw ng kaso.
Samantala, hiniling din ng prosekusyon sa ICC na tanggapin ang mga naunang naitalang pahayag ng tatlong testigo tungkol sa umano’y extrajudicial killings sa Central Luzon, sa halip na papuntahin pa sila sa korte upang magbigay ng testimonya.
Sa isa sa mga pahayag, ikinuwento umano ng testigo ang pagpatay sa isang tao sa San Jose del Monte, Bulacan. Ayon sa prosekusyon, sinabi nitong nagkunwaring self-defense ang mga pulis at nagtanim umano ng droga, baril at pera sa biktima.
Sinabi rin ng testigo na nagbago umano ang paraan ng operasyon ng mga pulis matapos maging pangulo si Duterte, kabilang ang umano’y pagpili sa pagpatay sa halip na pag-aresto sa mga suspek.
Ayon sa prosekusyon, makatitipid sa oras at gastos ang paggamit sa mga naitalang pahayag. Maaari pa rin namang kuwestiyunin ng depensa ang mga ito at magharap ng ibang ebidensiya.
Nakatakdang idaos ngayong Oktubre 13 ang ikaapat na status conference sa kaso ni Duterte. Inaasahang haharap din sa korte ang dating pangulo.
Nakatakda namang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis sa kasong crimes against humanity laban sa kaniya.









