CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng Peaceful Prayer Vigil sa Linggo, November 8, 2020 ang mga miyembro ng Raise the Fil-Am Voice & Fil-Am Republicans of Southern Nevada at Commission of the AAPI leadership Council na gaganapin sa Cheyenne & Martin Luther King, Las Vegas, Nevada, Estados Unidos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Jing Espiritu mula sa Las Vegas, Nevada., convenor ng Raise the Fil-Am Voice & Fil-Am Republicans of Southern Nevada at Commissioner ng AAPI leadership Council sa Las Vegas na galit sila sa nangyayaring proseso ngayon ng eleksyon sa Amerika.
Sinabi niya na noong taong 1971 pa siya nanirahan sa Estados Unidos at ito ang unang pagkakataon na nakakaranas sila ng pagmamaniobra, laganap na pandaraya at iregularidad sa botohan.
Layunin ng isasagawang peaceful prayer vigil ng mga miyembro ng Fil-Am Voice, The Fil-Am Republicans of Southern Nevada, The Asian American & Pacific Islander Leadership Council na magbigay ng suporta kay Pangulong Donald Trump at lumabas na siya ang totoong nanalo sa halalan .
Kumpara aniya sa halalan sa America noong 2016 ay naideklara ang nanalo dakong hatinggabi matapos ang halalan kumpara ngayon na may nagaganap umanong dayaan at maaaring abutin ng isang buwan dahil manu-manong bibilangin ang mga mail-in ballots sa mga swing states.
Sinabi pa ni Ginoong Espiritu na hinihimok nila ang kanilang mga miyembro ng pagkilos para sa Freedom at Faith Marches – Vigils hanggang lumabas ang totoong nanalo sa hahalan.
Ipinapanawagan ng nasabing grupo ang integridad ng boto sa Nevada, Arizona, Pennsylvania, Virginia, Wisconsin, Georgia, Michigan at sa lahat ng mga swing state.












