
CAUAYAN CITY – Nagpamalas ng kabayanihan ang isang pulis na kasapi ng City of Ilagan Police Station matapos na sagipin ang naaanod na SK Chairman sa Marana 2nd, lunsod ng Ilagan.
Kinilala ang tinaguriang “hero cop” na si Patrolman Jayric Talosig miyembro ng Special Weapon And Tactics ng nabanggit na himpilan ng pulisya habang ang biktima ay si Arnel Talaue, Sangguniang Kabataan Chairman ng nabanggit na barangay.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Patrolman Jayric Talosig, sinabi niya na hindi siya nagdalawang isip na suungin ang baha at itaya ang kanyang buhay upang mailigtas ang naaanod na SK Chairman.
Aniya, una nang sinabihan ang SK Chairman kasama ang dalawa pa nitong kasamahan na huwag tumawid sa nabahang kalsada dahil delikado subalit hindi sila nakinig.
Gayunman ay saka na lamang nila napansin na nagpumilit na tumawid ang tatlo nang magsisisigaw sila at humihingi ng tulong.
Aminado naman si Patrolman Talosig na hindi madali ang kanyang ginawa.
Dahil dito, pinaalalahanan niya ang mga mamamayan na laging sumunod sa mga abiso ng mga kinuuukulan dahil para rin ito sa kanilang kaligtasan.










