CAUAYAN CITY – Malalaman ngayong araw ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa nangyaring aksidente sa itinatayong Skyway extension project sa Muntinlupa city noong Sabado na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng apat.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni kalihim Silvestre Bello III ng DOLE na hinihintay pa niya ang resulta ng inspection ng kanilang mga labor inspector at occupational safety and health standard inspector.
Ngayong araw ay nakatakda na silang magsumite ng kanilang report tungkol sa pangyayari.
Ayon sa kalihim, tatlo ang iniimbestigahan na kinabibilangan ng may-ari ng kontrata, ang San Miguel Corporation (SMC) at ang contractor ng EEI Corporation.
Bukod dito ay aalamin din kung accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang operator ng crane.
Ayon pa sa kalihim, hindi dapat pinayagan ang mga sasakyan na dumaan sa naturang lugar habang ginagawa ang proyekto at dapat ay may mga signage na inilagay para alam ng mga motorista.
Sa ngayon ay hindi pa puwedeng magsuspinde dahil kasalukuyan pa ang imbestigasyon.
Para hindi na maulit ang nasabing pangyayari ay sinabi ni kalihim Bello na kailangang higpitan ang pagpapatupad sa mga occupational safety and health standards sa mga ginagawang proyekto ng pamahalaan.











