CAUAYAN CITY – Nilooban ng mga hindi pa nakikilalang kawatan ang isang bahay sa barangay Sindun Bayabo Lunsod ng Ilagan.
Ang mga biktima ay sina Carina Valdez, tatlumput isang taong gulang, may asawa at ang kasambahay na isang labing anim na taong gulang na babae,kapwa mga residente ng nabanggit na brgy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Bobby Taccad sinabi niya na lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na lumabas si Carina para magbanyo ng sunggaban ng mga pinaghihinalaan.
Tinakpan ng mga pinaghihinalaan ng panyo na may pampatulog ang bibig at ilong ng biktima saka iginapos.
Natangay ng mga pinaghihinalaan ang dalawang daang libong pisong pera at agad na tumakas patungo sa hindi pa malamang direksyon.
Ayon kay PSMS Taccad, lumalabas na pinagplanuhan ng mga pinaghihinalaan ang panloloob sa bahay ng biktima.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakadakip ng mga pinaghihinalaan.
Sa ngayon ay wala pang hawak na impormasyon ang pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng dalawang nanloob sa bahay ng biktima dahil nakasuot ang mga ito ng bonete.