CAUAYAN CITY– Nasugatan ang limang katao sa magkakahiwalay na aksidente bago at pagkatapos ng pagsalubong ng bagong taong 2021,.
Ang mga nasangkot sa aksidente ay positibong nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin sa kabila ng ipinapatupad na liquor ban sa Lunsod ng Santiago .
Nawasak ang dalawang motorsiklong nasangkot sa isang aksidente sa City Road sa Barangay Abra na kinabibilangan ng isang green motorcycle na minamaneho si Ricardo Fuentes, 51 anyos, construction worker na residente ng nabanggit na Barangay at isang itim na Yamaha NMax na minamaneho ni April Boy Pablo, 22 anyos, binata, estudyante at residente ng Cabulay, Santiago City.
Ang dalawang motorsiklo ay binabagtas ang magkasalungat na direksyon nang aksidenteng napunta ang motorsiklong minamaneho ni Fuentes sa linyang binabagtas naman ng motorsiklo ni Pablo sanhi para magsalpukan.
Nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang tsuper ng motorsiklo na agad dinala sa SIMC at nagpositibo sila sa nakalalasing na inumin.
Samantala, nasa pagamutan pa rin ang 3 katao matapos magbanggaan sinakyang motorsiklo at tricycle sa Luna Road , Barangay Bannauag Norte, Santiago City.
Kinilala ang nagmamaneho ng itim na motorsiklo na si Jericho Enpia,19 anyos taong gulang, binata, may trabaho at residente ng barangay Luna, Santiago City, sakay ang Backrider na si Joshua Ordinas,20 anyos, binata, Caretaker at residente ng nabanggit na Barangay.
Ang nagmamaneho naman ng yellow tricycle ay si Rudy Dulay, 28 anyos, may-asawa, walang trabaho at residente ng Bannauag Norte, Santiago City
Batay sa pagsisiyasat ng mga kasapi ng Santiago Traffic Group, nagmula sa Barangay Luna ang Motorsiklo ni Dulay na binabagtas ang daan papalabas sa Provincial Road na noon ay nasa linya si Enpia.
Hindi naman napansin ni Enpia ang papalabas na si Dulay mula sa kaniyang linya dahilan upang magsalpukan ang motorsiklo at tricycle.
Dahil sa lakas ng Banggaan, tumilapon pa si Ordinas na masuwerteng nagtamo lamang ng injury sa paa, habang sugatan din ang dalawang tsuper na naitakbo naman kaagad sa pagamutan ng SIMC na natuklasang positibo sa nakalalasing na inumin.






