Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang dagdag na ₱449.5 bilyon sa unprogrammed appropriations ng 2024 national budget at ₱17.99 bilyong dagdag sa DPWH Special Road Fund sa 2025 budget.
Ayon sa Korte Suprema nitong Martes, lumampas ang mga dagdag na pondo sa kabuuang appropriations na iminungkahi ng Pangulo.
Idineklara rin ng mataas na hukuman na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon sa 2026 budget na nagpapahintulot sa paggamit ng unprogrammed appropriations nang walang sapat na limitasyon at safeguards.
Binigyang-diin ng Korte na kailangan ng malinaw na pamantayan sa paggamit ng mga pondong ito upang matiyak ang disiplina sa paggasta, transparency at pananagutan.
Gayunman, pinairal ang doctrine of operative fact sa 2024 at 2025 budgets para sa mga hindi na mababaling programang may mga benepisyaryong kumilos nang may mabuting hangarin. Hindi nito awtomatikong inaalis ang posibleng pananagutang kriminal, sibil o administratibo ng mga sangkot.










