--Ads--

CAUAYAN CITY– Tatlong kasapi ng New peoples Army (NPA) ang tuluyang nagbalik loob sa pamahalaan bago matapos ang taong 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army sinabi niya na hindi nila inaasahan na may hahabol pa na magbabalik loob sa pamahalaan bago ang pagsalubong sa bagong taon.

Isa sa mga sumuko ang naging susi para marekober ng militar at pulisya ang ilang matatas na kalibre ng baril, bala, granada, IED at ilang subersibong dukumento na itinago ng rebeldeng grupo sa barangay Buyasan, San Mariano, Isabela.

Ayon sa sumukong rebelde ang naturang mga armas, bala, granada at IED ay ipinagkatiwala sa kanya ng isang Romeo Cudal, isang leader ng NPA na kumikilos sa San Mariano.

--Ads--

Sumunod na sumuko ay si Ka Abner, isang Militia ng Bayan na residente ng Buyasan,San Mariano, 43 anyos.

Kasabay ng pagsuko ni Ka Abner ay ipinaalam niya ang kinalalagyan ng isang M14 armalite rifle na may dalawampu’t limang bala na ipinagkatiwala rin ni Romeo Cudal.

Pinakahuling sumuko ay si Ka Mike, 20 anyos na umanoy narecruit na maging miyembro ng Militia ng bayan bago siya tuluyang naging miyembro ng NPA noong 2018.

Kasama rin si Ka Mike sa mga naganap na engkwentro sa San Guillermo, Isabela noong 2019.

Dahil sa sunod sunod na engkwentrong kinasangkutan ay nagpasya na siyang tumakas at magbalik loob sa pamahalaan.

Inihayag ng mga dating rebelde na mayroon pa rin silang mga kamag-anak na mga tribong Agta ang nasa loob pa rin ng kilusan at patuloy na nagtatago sa kabundukan.

Patuloy ang panawagan ng militar sa mga katutubong Agta na patuloy na nagtatago sa kabundukan na sumuko na lamang at magbalik loob na sa pamahalaan para matulungan silang magbagong buhay.

Samanata, 36 namang anak ng mga dating rebelde ang nabinyagan sa tulong mga kasapi ng 95th Infantry Batallion.

Ang pinakamatandang nabinyagan ay 12 anyos habang ang pinakabata ay isang buwang sanggol.

Nagsilbing mga ninong at ninang ng mga nabinyagan ang ilang opisyal ng Militar at mga kasapi ng Sanguniang Bayan ng San Mariano, Isabela.

Tiniyak naman ni Sgt. Lopez na ngayong taong 2021 ay mas paiigtingin pa ang kampanya laban sa insurhensiya para makamit ang kaunlaran sa kanayunan at tuloy tuloy na paghahatid ng tulong sa mga rebel returnee.