CAUAYAN CITY– Pumalo na sa mahigit 700 ang total confirmed case ng COVID19 sa Nueva Vizcaya.
Dahil dito ay una nang ipinahayag ng pamahalaang panlalawigan ang interest ng pagbili sa bakuna.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya , umakyat na sa 715 ang kabuoang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa Probinsiya, 682 naman ang naitalang naka-recover, walo ang aktibong kaso habang umakyat sa dalawampu’t lima ang nasawi dulot ng nasabing virus.
Nasawi si CV 5691, 64 anyos na babae, residente ng Barangay Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya, walang kasaysayan ng paglalakbay at hindi pa malaman kung saan nito nakuha ang sakit.
Nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 ang pasyente at naitalang may comorbidity na hypertension at urinary tract infection.
Si CV 5697, 29 anyos na lalaki, residente ng Poblacion North, Solano, Nueva Vizcaya, naitalang may travel history ang pasyente sa Tuguegarao City at pagkaraan ay nakaranas ng sintomas ng COVID-19.
Kapwa sumailalim sa swab test ang mga nabanggit na pasyente noong January 7, 2021 at napag-alamang positibo sila sa nakamamatay na sakit.
Samantala, nauna na ring iniutos ni Governor Carlos Padilla sa mga eksperto sa medisina ang pagbuo ng technical working committee na tututok sa pag-aaral ng pagbili ng probinsiya ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Gov. Padilla, prayoridad nila ang pagbili ng COVID-19 vaccine sa panahon na payagan na ang mga LGU’s na makabili nito.
Batay sa pahayag ng gobernador kinakailangan na pag-aralan pa ito nang malaman aniya ng Committee kung paano, ano at kung saan makakabili ng bakuna pangunahin na kung saan iiimbak ang mga bakuna .
Sa panahon aniya na mapag-alaman na ang lahat ng detalye ay saka na gagawa ng proposed budget ang lalawigan sa pagbili nito at prayoridad na mabakunahan ang mga Medical Frontliners.





