--Ads--

CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ng pagbaril at pagpatay kay Atty. Victor Begtang Jr., deputy prosecutor sa Lunsod ng Ilagan na  binaril ng riding-in-tandem criminal malapit sa kanilang bahay sa Conner, Apayao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Prosecutor Rommel Baligod  na labis na nakalulungkot ang pagpatay kay Fiscal Begtang.

Hindi lamang ito dagok sa kanyang pamilya, kundi sa Department of Justice (DOJ) at sa pamahalaan dahil  siya ay isang civil servant.

Nakakalungkot at nakadidismaya aniya dahil ganun na lang ang pagpatay sa isang abogado at fiscal at hindi na ligtas sa loob ng kaniyang  bahay.

--Ads--

Ayon kay Atty. Baligod, inatasan siya ng kanilang Prosecutor General na makipag-ugnayan sa NBI para magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat sa kaso ng pagpatay kay Fiscal Begtang.

Nangako aniya ang NBI na magbigay ng status report sa susunod na linggo.

Wala pang masabi si Atty. Baligod na motibo sa pagpatay kay Atty. Begtang ngunit aalamin ng mga imbestigador ang lahat ng anggulo tulad ng personal na motibo, may kaugnayan sa mga hawak na kaso at personal na transaction.

Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa misis ni Atty. Begtang at mga kasama sa City of Ilagan Prosecutors Office at wala umano silang alam na kaaway ang biktima.

Nagkaloob na rin sila ng financial assistance sa pamilya ni Atty. Begtang

Ayon kay Regional Director Baligod, halu-halo ang mg hawak na kaso ni Atty. Begtang.

Karamihan aniya sa mga hawak na kaso ng mga prosecutor ngayon ay may kinalaman sa illegal drugs at paglabag sa quarantine protocol.

Dito sa region 2 aniya ay  tahimik at hindi  gaya sa ibang lugar na may mga panggigipit at pananakot sa mga abogado kaya nagulat sila sa nangyari kay Fiscal Begtang.

Ang pahayag ni Regional Prosecutor Romme Baligod.