
CAUAYAN CITY – Magsasampa ng reklamo ang Isabela-Quirino Dental Chapter sa Ethics Committee ng Philippine Dental Association tungkol sa isang Dental Clinic sa lunsod ng Cauayan na nahuling nagsasagawa ng paglilinis ng ngipin ang dalawa nitong hindi rehistrado o pekeng dentista.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Misael Domitas, ang Presidente ng Isabela-Quirino Dental Chapter, sinabi niya na dadalhin niya ang reklamo sa Philippine Dental Association upang sila ang magbibigay ng sanction sa may ari ng nasabing dental clinic.
Aniya ang isa sa mga nahuling pekeng dentista ay isang Hotel and Restaurant Management Graduate na malinaw na hindi maaaring maglinis ng ngipin habang ang isa ay isang Dental Hygienist.
Maaari naman aniyang magsagawa ng paglilinis ng ngipiin ang isang dental hygienist kung lisensyado ngunit kailangang minomonitor parin ng lisensyadong dentista.
Ayon kay Dr. Domitas pag naiparating na ito sa Ethics Committee ng Philippine Dental Association ay pag aaralan nila ang maaaring gagawin sa may ari ng Dental Clinic.
Maaaring penaly, suspension o revocation ng lisensya ang kakaharapin ng may ari ng dental clinic na hinayaan ang mga kawani na magsagawa ng paglilinis ng ngipin.
Maaari din aniyang makasuhan ng Illegal Practice of Dentistry ang mga nahuling dalawang kawani lalo na kung matagal na nila itong ginagawa.
Mayroon ding kahalintulad na pangyayari sa lalawigan ng Quirino ngunit nagplead guilty ang tatlong suspek at maging sa Delfin Albano ay mayroon ding naitalang kaso noong 2019.
Aniya ang mga nakakasuhan at nagplead guilty ay mahaharap pa rin sa multang hindi bababa sa dalawandaang libong piso at pagkakakulong ng dalawang taon at isang araw.










