--Ads--

Nanawagan ng pagkakaisa, paggalang at pagpapakumbaba si Isabela Vice Governor Kiko Dy sa mga opisyal ng pamahalaan sa gitna ng mga bangayan sa social media, kabilang ang kasalukuyang isyu sa pagitan ng mga opisyal sa Reina Mercedes, Isabela.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Dy na tila unti-unti nang nawawala ang paggalang sa isa’t isa, habang mas nakikita ang mga hindi magandang asal na maaari ring gayahin ng mga kabataan.

Binigyang-diin ng bise gobernador na dapat manguna ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagpapakita ng mabuting asal at magsilbing huwaran ng nakababatang henerasyon.

Aniya, hindi dapat ituring na normal o katanggap-tanggap ang pag-aaway, panlalait at pagmumura, gayundin ang pagtangging makinig sa panig ng iba at ang pagpipilit ng sariling paniniwala o kagustuhan.

--Ads--

Bagama’t hindi direktang pinangalanan, tila nakatuon din ang pahayag ni Dy sa naging asal ni Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio. Giit niya, may karapatan ang sinuman na magtanong, humingi ng paliwanag at magreklamo kung may nakikitang iregularidad sa pamahalaan, ngunit dapat itong gawin nang may paggalang.

Dagdag pa ni Dy, hindi kabawasan sa pagkatao ang paghingi ng tawad kapag nagkamali. Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugang nawawala na ang pananagutan dahil lamang sa paghingi ng paumanhin, dahil may mga bagay pa ring kailangang itama at mga patakarang dapat sundin.

Bilang isang magulang, sinabi ni Dy na nais niyang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagtanggap na hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang isang tao, gayundin ang lakas ng loob na aminin ang pagkakamali, humingi ng tawad at magbago.