
CAUAYAN CITY –Nagbabala ang Fertilizer and Pesticide Authority Region 2 sa mga kumakalat na mga pekeng pestesidyo at fertilizer sa Rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Regional Manager Leo Bangad ng DA Fertilizer and Pesticide Authority Region 2 sinabi niya na dahil sa kanilang regular clean up drive sa mga vegetable growing communities sa Nueva Vizcaya ay nalaman nila ang mga sumbong ng mga growers tungkol sa kanilang ginagamit na fertilizer at pestisidyo kung peke ba ang mga ito o totoong rehistradong produkto.
Sa kanilang pagsusuri ay nakita nilang smuggled pesticides dahil ang tatak ng mga produkto ay Thailand at hindi mabasa kung ano ang laman ng pestisidyo.
Ayon kay OIC Regional Manager Bangad dumideretso na sa mga magsasaka ang mga peddlers at hindi na dumadaan sa mga bahay kalakal.
Iniaalok ng mga ito ang mga smuggled na pestisidyo sa mga magsasaka sa mas mababang presyo.
Aniya karamihan sa mga smuggled na produkto ay dumaan sa backdoor o palihim na ibinaba sa mga point of entry sa bansa at hindi na dumaan pa sa masusing pagsusuri ng mga kinauukulan tulad ng Bureau of Customs o ng DTI.
Nakakaalarma aniya kapag ginamit ito ng mga high value vegetable growers dahil hindi nila alam kung paano ito gamitin dahil mahirap basahin ang nakasulat sa mga lalagyan ng pestisidyo.
Aniya kung hindi maintindihan ang label nito ay hindi rin malalaman kung anong dosage ang ilalagay sa bawat pag spray sa mga tanim na gulay.
Makokompromiso dito ang kalusugan ng mga kakain ng gulay na nalagyan ng nasabing pestisidyo kung hindi nasunod ang paraan sa paggamit.
Aniya may maximum residue limit na dapat sundin sa pagiispray ng mga pestesidyo dahil maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga mamamayan kung sumobra sa limit ng residue ang naiwan sa mga gulay.
Patuloy naman ang DA Region 2 sa pagtuturo sa mga magsasaka sa mga tamang paggamit ng pestisidyo sa kanilang mga tanim na gulay..
Ayon kay OIC Regional Manager Bangad marami pa rin ang mga naipupuslit na mga pekeng pestisidyo sa rehiyon dahil kulang ng mga tauhan ang DA para sa monitoring sa mga entry checkpoints.
Kapag simula na ang cropping season ay magsisimula na ring magpakalat ang mga peddlers ng kanilang pekeng produkto sa mga magsasaka.
Dahil dito ay tutulong na ang mga LGU lalo na sa lalawigan ng Nueva Vizcaya sa pagmonitor sa mga pumapasok na may mga dalang pestisidyo sa rehiyon.
Patuloy naman sa pagpapaalala ang FPA sa mga mamamayan pangunahin na sa social media upang masawata na ang pagkalat ng mga pekeng produkto at maging ligtas ang mga pagkaing gulay.










