CAUAYAN CITY – Patuloy ang pag-alalay ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 sa mga ospital at lokal na pamahalaan kaugnay sa Covid 19 response.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Michael Conag ng OCD Region 2 sinabi niya na patuloy ang kanilang pagmonitor sa mga LGUs sa Rehiyon lalo na ang mga maraming naitatalang kaso ng Covid 19 tulad ng lunsod ng Tuguegarao sa Cagayan.
Aniya batay sa kanilang monitoring bumaba ang mga naitalang kumpirmadong kaso sa nakaraang araw.
Ang kailangan ngayon ay karagdagang bed capacity sa mga ospital para sa mga pasyente.
Sa ngayon ay marami nang naibigay na logistical support ang OCD Region 2 sa mga ospital at LGUs ngunit kulang parin ito dahil sa araw araw ay marami ang naidadagdag.
Ayon kay Ginoong Conag nakapagbigay na sila ng labing apat na unit ng malalaking collapsible tents, tatlumpung quick deployment tents at 422 units ng modular tents sa mga referral hospitals sa rehiyon.
Nakapagbahagi na rin sila ng pitong air coolers at industrial fans maging hygiene kits na umabot sa mahigit 8,900 na ang naibigay sa mga ospital at LGUs.
Nasa mahigit anim na raang libong PPEs na rin ang naipakalat nila sa ibat ibang LGUs at ospital sa Rehiyon.
Maliban dito ay nagbibigay din ang OCD ng mga utility supplies tulad ng mga water dispenser, tabo at timba maing mga hygiene kits sa mga Community Isolation Units.
Ayon pa kay Ginoong Conag may mga kahilingan pa rin ang ibang ospital at LGUs ngunit pinakaprayoridad nila ngayon ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC na matustusan ng mga pangangailangan dahil punuan na ang ospital sa Covid patients.
Tiniyak naman niya na mabibigyan din ang mga nasabing LGUs at ospital sa pagdating ng bagong suplay mula sa OCD Central Office.











