CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi habang isa rin ang nasugatan matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa barikada ng PNP Patrol Base sa Maharlika highway na nasasakupan ng Rizal, Santiago City.
Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si Gomez Buma-a Manayod, 27-anyos, binata, magsasaka habang ang nasugatan ay ang angkas nito na si Jimber Buma-a Heb-Aton, 20-anyos, binata, magsasaka at kapwa residente ng Ubao, Aguinaldo, Ifugao.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Traffic Enforcement Unit (TEU), binabagtas ng motorsiklo ang naturang daan patungo sa Santiago City Proper nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nawalan ng kontrol sa manibela si Manayod at nabangga ang bakal na barikada ng PNP Rizal Patrol Base.
Nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang biktima na agad dinala sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) subalit idineklarang dead on arrival si Manayod.
Sa pagsisiyasat ng TEU, nasa impluwensya ng alak ang dalawang biktima at mabilis ang patakbo ng tsuper dahilan para mawalan ito ng kontrol sa pagmamaneho at bumangga sa barikada.










