--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang kawani ng Region 2 Trauma and Medical Center  (R2TMC)  matapos na mabiktima  ng hit and run ng isang pick up habang minamaneho ang kanyang motorsiklo sa isang gasolinahan sa Busilac, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isang itim na Honda Click ang minamaneho ng biktima na si Percival Ongyaco, 45-anyos, kawani ng R2TMC at residente ng Osmena, Solano, Nueva Vizcaya habang nakilala naman ang driver ng pick up na si Ben Renzon Conde, 20-anyos, hardinero at residente ng Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.

Ayon sa mga otoridad, isang auto mechanic ang nakasaksi sa pangyayari at nagsilbing witness sa aksidente.

Napag-alamang binabagtas ng biktima ang daan patungong bayan ng Solano habang sinusundan naman ito ng pick up.

--Ads--

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bigla na lamang umanong nahagip ng pick up ang motorsiklo na minamaneho ni Ongyaco.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima 50-metro ang layo mula sa motorsiklo.

Ayon sa saksi hindi tumigil ang pick up upang dalhin sana sa pagamutan ang biktima subalit naisugod din sa R2TMC ng mga rumespondeng rescue team subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Ilang oras pagkatapos ng aksidente ay sumuko rin sa himpilan ng pulisya si Conde na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Si Conde ay nasa pangangalaga na ng Bayombong Police Station.