--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinangunahan ni Kalihim Benhur Abalos ng DILG ang Buhay Ingatan Droga ay Ayawan (BIDA) Caravan sa region 2.

Sa naging talumpati ni kalihim Abalos inihayag niya na nakatuon ang kanilang pansin sa pagpapababa ng demand sa iligal na droga pangunahin na ang shabu na pinaka-talamak sa kasalukuyan.

Aniya, isa sa kanilang hakbang ay ang mas pinaigting na rehabilitasyon sa mga gumagamit ng iligal na droga tulad ng pagbibigay ng trabaho habang sila ay sumasailalim sa rehabilitasyon.

Ito ay dahil karamihan sa mga dating sumailalim sa rehabilitasyon ay bumabalik sa pagbebenta ng iligal na droga dahil sa kawalan ng mapagkakakitaan.

--Ads--

Paiigtingin din ng DILG ang internal cleansing sa hanay ng Pambansang Pulisya dahil ayon sa kalihim kahit isang kawani lamang ang masangkot sa iligal na gawain ay mababalewala ang kanilang paghihirap na masugpo ang iligal na droga.

Binigyan ng pagkilala din ng kalihim ang Lambak ng Cagayan dahil pangalawa ito sa MIMAROPA sa may pinakamaraming drug cleared barangays.

Samantala, inihayag ni Vice Gov. Faustino “Bojie” Dy III na malapit nang malutas ang problema sa iligal na droga sa Isabela.

Ito ay dahil tatlong barangay na lamang sa lalawigan ang hindi pa drug cleared at inaasahan na sa mga sususnod na araw ay tuluyan nang maidedeklarang drug cleared.

Ipinanawagan ng bise gobernador ang pagkakaisa ng bawat isa upang tuluyan ng maging drug cleared province at drug cleared na ang 1,018 barangay sa buong lalawigan ng Isabela.

Ang BIDA Caravan ay isa sa anim na taong programa ng pamahalaan upang masugpo ang iligal na droga sa ilalim ng Marcos Administration.