--Ads--

CAUAYAN CITY – Pagtatayo ng malaking processing plant ang nakikitang sagot ng Pamahalaang lokal para masolusyonan ang nararanasang over supply ng pinya sa Echague Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Kiko Dy sinabi niya na tinutulungan at sinusuportahan nila ang mga magsasaka at kooperatiba sa kanilang bayan bilang tugon sa taon taon nilang problema sa over-supply ng pinya.

Isa lamang dito ang pagbibigay ng pondo sa dalawang processing plant para sa paggawa ng pineapple juice at Pineapple jam para mabawasan o maiwasan ang pagkabulok ng pinya maliban pa ito sa kasalukuyang kontraksyon ng malaking processing plant sa tulong na rin ni Cong. Inno Dy.

Ang hakbang ay tugon sa kinakaharap na kakulangan sa market o buyer ng mga produktong pinya dahil sa oversupply na resulta ng sabay sabay na pag-aani.

--Ads--

Dagdag din sa suliranin ng mga magsasaka ay ang nararanasang ulan sa bahagi ng Nueva Ecija kung saan sila nag-babagsak ng pinya.

Isa pa sa layunin ng pagtatayo ng bagong processing plant ay upang maisulong ang local production ng iba’t ibang produkto na gawa o mula sa pinya na pangunahing produkto ng bayan ng Echague.

Samanatala, Inihayag naman ni Ginang Olivia Ferrer isang Pineapple Dealer at Pineapple farmer na ang kanilang problema sa ngayon ay ang kakulangan ng buyer ng produktong pinya.

Aniya, hindi lamang sa Isabela problema ang kawalan ng buyer dahil maging sa ibang probinsya ay nagtatanim na rin ng pinya.

Dagdag pa niya na suliranin din ang kakulangan nila ng gamit at sasakyan para mag biyahe ng produkto na nagreresulta upang mabulok ang mga pinya.

May ilang magsasaka naman o dealer ng pinya ang gumagawa ng iba pang produkto mula sa mga over riped na pinya tulad ng jam subalit ang iba ay mas pinipiling itapon o ipakain sa mga alagang  kalabaw ang nabulok nilang produkto.

Para mas maengganyo ang mga suki o mga dating umaangkat sa kanila ay tuloy tuloy ang pagdedeliver o paghahatid nila ng produkto kahit madalas na nalulugi lalo at malaking pera ang kanilang nagagastos sa pagpapatanim at pagpapaani.