--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang rider matapos na mabangga ng van sa Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ar-jay Nabban, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, sinabi niya na ang biktima ay residente ng Masok, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Galing ang motorsiklo sa bayan ng Bambang at pauwi na sana sa Bayombong nang bigla itong mabangga ng van.

Ayon aniya sa driver ng van, biglang umagaw ng linya ang motorsiklo sanhi para mabangga niya ito.

--Ads--

Nakaladkad pa ang motorsiklo ng 50 metro habang sakay ang biktima.

Sa pagreview ng pulisya sa CCTV footage sa lugar ay nakitang may kasabayan pang isa pang motorsiklo ang biktima at nagkasagian ang mga ito bagonapunta sa linya ng van ang biktima subalit hindi umano huminto ang isa pang motorsiklo at dumeretso lamang sa pagmamaneho ang driver nito.

Inaalam na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng tsuper ng motorsiklong nakasagi sa biktima bago ito nabangga ng van para masampahan ng kaukulang kaso.

Nanawagan sila ngayon sa publiko sa sino mang may impormasyon sa posibleng pagkakakilanlan ng driver ng isa pang motorsiklo na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan.