Muling hindi dumalo ang alkalde at mga kinatawan ng ilang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Reina Mercedes, Isabela, sa committee hearing ng Sangguniang Bayan kaugnay ng paggamit ng pondong mula sa Tobacco Excise Tax na kinukuwestiyon ni Vice Mayor Atty. Harold Respicio.
Kabilang sa mga ipinatawag ang mga kinatawan ng Municipal Engineering Office, Treasurer’s Office, Accounting Office at iba pang kinauukulang tanggapan.
Sa pagdinig ngayong araw, sinabi ni Respicio na hindi pa rin dumalo ang mga ipinatawag na opisyal at wala pa ring naibibigay na tugon sa kaniyang mga kahilingan para sa mga dokumentong may kaugnayan sa mga proyektong pinondohan ng nasabing buwis.
Iginiit ng bise alkalde na mayroon siyang mga dokumentong nagmula mismo sa lokal na pamahalaan na aniya’y nagpapakita ng posibleng iregularidad sa mga proyekto, kabilang ang mga pinaghihinalaang ghost projects at mga substandard na imprastraktura. Gayunman, may iba pa umano siyang hinihinging dokumento na nasa tanggapan ng alkalde at hindi pa naibibigay sa kanila.
Ayon kay Respicio, sapat na ang mga hawak niyang ebidensiya upang maisampa ang kaukulang kaso laban sa alkalde, mga opisyal ng barangay at ilang empleyado ng lokal na pamahalaan.
Dahil dito, sinabi niyang kung magpapatuloy ang hindi pagdalo ng mga ipinatawag at hindi pa rin maibibigay ang mga hinihinging dokumento, hahanap sila ng mga magsasaka ng tabako ng iba pang legal na paraan upang makuha ang mga ito, kabilang ang paghingi ng subpoena kung may sapat na batayan.
Una nang iminungkahi ni Respicio sa tanggapan ng alkalde na sa halip na ilaan ang pondo sa mga proyektong kinukuwestiyon niya, direktang ipamahagi na lamang ang kaukulang tulong pinansiyal sa mga magsasaka ng tabako. Gayunman, sinabi niyang wala pa rin siyang natatanggap na tugon hinggil sa kaniyang panukala.
Kabilang sa mga proyektong kinukuwestiyon ng bise alkalde ang Lagoon Park, farm-to-market road, transport terminal, coliseum, public market at isang barangay health station.
Samantala, itinanggi ng lokal na pamahalaan ang alegasyong ghost projects ang mga imprastraktura at nauna nang ipinakita ang ilang proyektong ayon sa Municipal Engineering Office ay naitayo na at ginagamit na.











