CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho niyang SUV sa nakaparadang 10 wheeler truck sa national highway na bahagi ng Brgy. Ramos West, San Isidro, Isabela.
Ang nasawi ay ang driver ng Hyundai Starex na si Jojo Mauricio, trenta’y siyete anyos at residente ng Brgy. Pinoma, Cauayan City.
Ang driver ng 10 wheeler truck ay si Ferdinand Pacudan, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Divisoria, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Isidro Municipal Police Station napag-alaman na patungo sa Cauayan City ang Starex habang nakaparada naman sa shoulder ng kalsada ang truck at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla umanong sinalpok ng Starex ang harapang bahagi ng truck.
Sa lakas nang pagbangga ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng SUV at sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit idineklara na siyang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Ayon sa pulisya madilim ang pinaradahan ng truck at walang tao sa truck nang mangyari ang insidente.
Base sa pagsisiyasat galing pa sa Metro Manila ang SUV kaya’t posibleng pagod at puyat umano ang driver nito.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck kung saan siya ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.





