CAUAYAN CITY- Mahaharap sa ilang kaso ang isang magsasaka matapos makuha sa kaniyang pag-iingat ang hinihinalang shabu at ilang bala ng baril sa kaniyang bahay sa Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela.
Ang pinaghihinalaan ay kinilalang si Dante Miguel, magsasaka at residente ng naturang barangay.
Sa ginawang paghahalughog ng mga kapulisan ng San Mateo Police Station sa bahay ng suspek sa bisa ng isang search warrant ay nakita nila mula sa kaniyang gamit ang limang maliit pakete ng hinihinalang shabu at siyam na bala ng armalite riffle.
Wala naman ang suspek nang isinilbi ang search warrant ngunit naroon sa lugar ang asawa ng suspek.
Nakaalis na umano ang suspek sa kanilang bahay bago dumating ang mga kapulisan para maghalughog.
Ayon sa Pulisya, ilang concerned citizen umano ng Daramuangan Sur ang nagpabatid sa mga awtoridad hinggil sa iligal na gawain ng suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.