CAUAYAN CITY- Nabiktima ng scam ang ilang mga residente ng La Suerte, Angadanan, Isabela matapos gamitin ng isang scammer ang pangalan ng kanilang Punong Barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SK Chairman Michael John Lester Ruis ng Barangay La Suerte, sinabi niya na nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen na mayroong poser sa social media na gumagamit ng pangalan ni Punong Barangay Rodolfo Anselmo at nanghihingi ng pera.
Agad naman umano niyang inalerto ang group chat nilang mga Barangay Official at doon nila napag-alaman na hindi iyon ang official account ni Punong Barangay Anselmo.
Dahil dito ay nag-post sila sa social media upang ipaalam sa publiko ang tungkol sa scammer na nagpapanggap na Punong Barangay at dahil dito ay marami na umano ang naglitawan na mga biktima.
Karamihan umano sa mga nabibiktima nito ay mga nasa abroad at ang ilan ay residente ng La Suerte ngunit dalawang tao lamang ang matagumpay na nakuhanan nito ng pera.
12,000 pesos umano ang natangay ng scammer sa unang biktima habang 47,000 naman sa pangalawang biktima.
Napaniwala kasi umano ang biktima na ang Punong Barangay ng La Suerte ang kanilang ka-transaksyon dahil mabilis nitong nakuha ang kanilang loob.
Ayon naman sa isang biktima, dati na umanong humihiram si Kapitan ng pera sa kaniya kaya akala nito na si Punong Barangay Anselmo ang kaniyang kausap.
Naiulat naman na nila sa himpilan ng pulisya ang insidente at nakatakda umanong magtungo ang mga kawani ng NBI sa mga biktima ngayong linggo para sa karagdagang pagsisiyasat.