CAUAYAN CITY- Naniniwala ang City Population Office na hindi kakayanin ng kanilang opisina na pababain ang kaso ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan sa lungsod ng Cauayan kung hindi makikiisa ang mga concerned agencies gaya ng mga Barangay officials at SK Federation.
Ito ang binigyang diin ni Population Program Officer 2 Rouchel Pareja sa ekslusibong panayam sa kanya ng Bombo Radyo Cauayan
Aniya, kahit maraming program na ilatag ang opisina ay hindi ito magiging epektibo kung hindi makikiisa ang mga opisyales ng kabataan sa Barangay.
Sila kasi ang direktang nakakakita sa kanilang mga nasasakupang kabataan at nararapat aniya na makatulong sa pagbabantay sa mga ito
Kabilang sa mga tinutukoy ng opisyal ay ang mga Barangay official, SK Federation at iba pang youth officers na pangunahing katulong pagdating sa pagpapatupad ng mga programa
Ngunit kung magkakaroon aniya ng hindi magandang partisipasyon ang mga ito ay hindi rin mararamdaman ang resulta ng ginagawa programa ng opisina para mapababa ang teenage pregnancy sa lungsod
Bagaman aminado rin siya na minsan ay may iba ring inaasikaso ang mga nasabing agency hindi naman aniya minsanan lang ang pagsasagawa nila ng mga programa
Kabilang sa mga programa ng ahensiya ay ang pagsasagawa ng mga orientation, workshop at seminars para sa mga kabataan
Ani pa ni Ginang Pareja, sa ganitong paraan aniya ay matutuhan ng mga kabataan ang panganib na dala ng pagbubuntis.
Sa kasalukuyang tala ng ahensiya, pumapangalawa na ang lungsod ng Cauayan sa apat na Siyudad dito sa rehiyon sa may pinakamaraming kaso ng teenage pregnancy.