--Ads--

Suportado ni Sangguniang Kabataan Federation President Christopher Respicio ng Santiago City ang panukalang ordinansang naglalayong magdagdag ng pitong piso sa kasalukuyang regular na pasahe ng mga motorized tricycle for hire sa lungsod.

Ayon kay Respicio, nauunawaan niya ang kalagayan ng mga tricycle driver dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, piyesa, maintenance at iba pang gastusin sa kanilang araw-araw na pamamasada.

Gayunman, binigyang-diin niya ang concerns ng mga estudyanteng araw-araw na umaasa sa tricycle para sa kanilang pagpasok sa paaralan, pagpunta sa review center, OJT, trabaho at iba pang pangangailangan.

Aniya, bagama’t maaaring maliit lamang pakinggan ang pitong pisong dagdag sa pasahe, mahalaga pa rin ang bawat piso para sa mga estudyanteng may limitadong baon.

--Ads--

Dahil dito, sinabi ni Respicio na kasabay ng kanyang suporta sa panukalang dagdag-pasahe ang panawagan para sa mas malinaw na proteksyon sa mga pasahero, partikular sa mga estudyante at iba pang kwalipikadong benepisyaryo ng fare discount.

Mahalaga rin umano na matiyak ang mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na national laws hinggil sa fare discounts, gayundin ang malinaw na pagpapatupad ng bagong fare matrix at discount para sa mga kwalipikadong pasahero.

Giit ni Respicio, hindi dapat mauwi sa driver versus passenger ang usapin dahil parehong may pangangailangan ang mga tricycle driver at pasahero.

Sa halip, nanawagan siya ng responsableng pagpapatupad, transparency at proteksyon sa karapatan ng mga pasahero upang makahanap ng balanse at makatarungang solusyon ang pamahalaan.

Iginiit ni Respicio na ang usapin sa pamasahe ay hindi lamang tungkol sa pitong pisong dagdag, kundi tungkol din sa paghahanap ng patas na solusyon para sa mga tricycle driver at mga pasaherong umaasa sa kanilang serbisyo.