--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagsimula na ngayong araw ang free orientation para sa 100 na mga magsasaka mula sa Bayan ng Quirino, Isabela bilang bahagi ng Kabalikat sa Kabuhayan Farming Program ng SM Foundation.

Layunin ng programa na mabigyan ang mga magsasaka ng alternatibong pagkakakitaan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa larangan ng agrikultura.

Sakop nito ang pag-tuturo sa mga magsasaka para matuto ng mas advance na paraan ng pagtatanim.

Tungkulin din nito na tugunan at masuportahan ang bansa tungo sa food sufficiency.

--Ads--

Sa loob ng 14 na Linggo ay sasanayin ang mga napiling magsasaka ng mga trainor mula sa farm school, katuwang ang Department of Agriculture.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Vice President of SM Foundation for Livelihood and Outreach Program Cristie Angeles, sinabi niya na maraming programa ang pamahalaan na makakatulong sa mga magsasaka at ito rin ang ginagawa ng kanilang hanay kasama ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan para maihatid sa kanila ang tulong na ito.

Bibigyang pagkakataon din ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto sa naturang mall kung saan bibigyan sila ng libreng pwesto.

Samantala, bukod sa nabanggit na ahensya ng Pamahalaan ang DA, DTI, DOST at DOLE ay magiging katuwang din para sa monitoring at pagbibigay ng manpower.

Ayon kay Karen Miguel ang Regional Partnership Officer for Sustainable Livelihood Program – DSWD Region 2, lahat ng mga magsasakang kabilang sa programa ay magiging organisasyon na kanilang susubaybayan.

Sa ilalim ng Sustainable livelihood program ng Pamahalaan lahat ng budget na maibibigay sa kanila ay imomonitor kung saan napupunta at paano ito napapaunlad.