Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 168 opisyal ng mga government-owned and controlled corporation (GOCC) na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Sa isang pahinang abiso ng Governance Commission for GOCCs (GCG), inatasan nito ang mga state-owned firm na sundin ang mga itinakdang proseso sa pagsusumite ng kanilang pagbibitiw.
Kabilang sa mga GOCC ay ang Land Bank of the Philippines (Landbank), Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG.
Sakop ng panawagan ng paghain ng courtesy resignation ang mga chief executive officer (CEO) at non ex-officio chairperson, na kailangang i-address ang kanilang resignation letter sa Pangulo at isumite ito sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES).
Gayundin ang mga appointive director, trustee, at mga miyembro ng mga GOCC Governing Board, na dapat magsumite ng kanilang resignation letter direkta sa GCG subalit naka-address pa rin sa Pangulo.
Samantalang nakasalalay naman kay Pangulong Marcos ang pagpapanatili, pagtatanggal, o pagpapalit sa mga opisyal ng GOCC.
Matatandaan na pinagsumite na rin ng courtesy resignation ni Pangulong Marcos ang lahat ng miyembro ng kaniyang gabinete.











