Isinagawa ng kumpanyang Joby Aviation ang kauna-unahang test flight ng kanilang fully-electric air taxi sa Dubai ngayong linggo—isang hakbang patungo sa paggamit ng airborne transport sa lungsod na inaasahang ilulunsad sa taong 2026.
Ayon kay Anthony Khoury, General Manager ng Joby sa United Arab Emirates, layunin ng proyekto na baguhin ang paraan ng pag-commute ng mga tao. Sa tinayang biyahe, ang paglalakbay mula Dubai International Airport patungong Palm Jumeirah ay aabutin na lamang ng 12 minuto—kumpara sa 45 minuto kung sasakyan ang gagamitin.
Bagamat target ng Joby na gawing abot-kaya ang serbisyo para sa lahat, inaasahang sa mga unang taon ay magiging mas mahal ito at mas nakatuon sa mga may mataas na kita.
Ginawa ang test flight sa disyertong bahagi ng Dubai na dinaluhan ng mga opisyal mula sa gobyerno at transport sector. Ipinakita ng aircraft ang kakayahan nitong mag-vertical take-off, lumipad nang ilang milya, at ligtas na bumalik para sa paglapag.
Ang Joby Aerial Taxi ay isang electric vertical take-off and landing o eVTOL aircraft. May kakayahan itong lumipad ng hanggang 160 kilometro at umabot sa bilis na 320 kilometro kada oras. Ito ay zero-emission at may sapat na tahimik na operasyon upang magamit maging sa mataong lugar.
Sa kabila ng potensyal, kinakaharap pa rin ng eVTOL industry ang mga hamon sa regulasyon at imprastruktura. Bumaba rin ang stock forecast ng Joby Aviation sa gitna ng mga panganib sa aerospace sector. Gayunpaman, nananatili sa $10.55 ang halaga ng stock ng kumpanya sa kasalukuyan.





