Nagpadala na ng agarang tulong ang United Arab Emirates (UAE) para sa mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Kabilang sa ipinadalang ayuda ng UAE ang pagkain, relief goods, at iba pang suporta para sa mga apektadong lugar bilang bahagi ng kanilang emergency humanitarian response na layuning makatulong sa agarang pagbangon ng mga residente.
Ayon kay Dr. Tareq Ahmed Al Ameri, chairman ng UAE Aid Agency, ang hakbang ay bahagi ng pandaigdigang responsibilidad ng kanilang bansa sa pagtugon sa mga komunidad na apektado ng kalamidad at krisis.
Sinabi rin ng opisyal na patuloy ang kanilang pakikiisa sa mga bansang tulad ng Pilipinas na hinaharap ang epekto ng mga sakuna.
Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 47 ang nasawi, mahigit 688 ang sugatan, at libo-libong residente ang nawalan ng tahanan dahil sa lindol na tumama malapit sa Sarangani noong Hunyo 8.
Nagpaabot din ng pakikiramay at suporta ang iba’t ibang bansa kabilang ang Estados Unidos, Japan, China, Australia, Germany, France, New Zealand, Israel, Russia, at Ukraine.
Nauna na ring nagpahayag ng pakikiramay si UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tiniyak ang patuloy na suporta sa Pilipinas.











