--Ads--

Ikinabahala ng Pamilyang Duterte ang umano’y “mapagkakatiwalaang impormasyon” na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay natagpuang walang malay sa kanyang silid sa loob ng pasilidad ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara Duterte na hindi raw inabisuhan ang kanilang pamilya sa insidente, kung saan sumailalim sa ilang laboratory tests ang dating pangulo.

Ibinunyag din ni VP Sara na hindi umano agad naasikaso ng ICC ang simpleng suliranin ng kanyang ama isang ingrown toenail at patuloy ring binabalewala ang malinaw na pangangailangan ng tagapag-alaga sa tabi nito.

Tinutukoy niya ang isinagawang welfare check ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands, na ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ay bahagi ng tungkulin ng embahada sa mga nakakulong na Pilipino sa ibang bansa.

--Ads--

Giit ni VP Sara, walang ibang dahilan ang patuloy na pagkakakulong ng kanyang ama kundi ang “pahirapan siya dahil sa reklamo ng isang dating senador na nawalan ng dangal.”

Sa hiwalay na pahayag na inilabas din nitong Sabado, sinabi ng DFA na wala itong impormasyon ukol sa napaulat na insidente sa dating pangulo.

Ayon sa tagapagsalita ng ICC noong Setyembre 24, na binanggit ng DFA, isinagawa ang pagbisita alinsunod sa Rome Statute ng ICC at iba pang kaukulang patakaran, kasunod ng mga internasyonal na pamantayan para sa mga nakakulong na indibidwal na may karapatang makita ng kinatawan ng kanilang bansa.

Dagdag pa ng ICC, ang ganitong mga pagbisita ay “isinasagawa lamang sa pahintulot o sa kahilingan ng taong nakakulong.”

Iginiit din ng DFA na ang pagbisita ay ginawa ng mga opisyal ng embahada “sa isang propesyonal, hindi mapanghimasok, at may paggalang na paraan,” at hindi ng iba pang sinasabing “ahente ng gobyerno,” gaya ng paratang ng Pangalawang Pangulo.

Humihiling ngayon ang kampo ni Duterte ng pansamantalang pagpapalaya sa dating pangulo patungo sa isang third-party na bansa, at nananawagan din sila sa pre-trial chamber ng ICC na ihinto ang mga pagdinig dahil sa umano’y humihinang kakayahan ng dating presidente.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong multiple counts of murder kaugnay ng libu-libong napatay sa ilalim ng kanyang marahas na kampanya kontra droga.

Nakatakda sanang humarap si Duterte sa confirmation of charges hearing noong Setyembre 23, ngunit ipinagpaliban ito ng pre-trial court dahil sa pahayag ng kanyang kampo na hindi na siya angkop para sa paglilitis.