--Ads--

Nagsagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng monitoring patrol at site visit sa Joint Task Force (JTF) Malampaya area upang suriin ang kahandaan sa pagbabantay sa Natural Gas Power Project, kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa bagong natuklasang gas reservoir sa Malampaya Field.

Pinangunahan ni AFP Chief of Staff General Rome Brawner Jr. ang inspeksyon bilang pagpapakita ng dedikasyon ng AFP sa proteksyon ng estratehikong yaman ng bansa.

Tinalakay ang kasalukuyang seguridad, maritime at air patrol operations, at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang masiguro ang tuloy-tuloy at ligtas na operasyon ng Malampaya facility.

Pinuri ni Brawner ang mga tauhan ng JTF Malampaya sa kanilang kahandaan sa kabila ng lumalalang hamon sa seguridad sa dagat. Patuloy ding pinapalakas ng AFP ang presensya sa mga estratehikong lugar bilang bahagi ng misyon sa pagtatanggol sa soberanya at proteksyon ng kritikal na imprastraktura.

--Ads--

Ang Malampaya East 1 (MAE-1), may layong limang kilometro silangan ng Malampaya Field, na tinatayang may 98 bilyong cubic feet ng gas, sapat para sa higit 5.7 milyong kabahayan, 9,500 gusali, o halos 200,000 paaralan sa loob ng isang taon.

Ito rin ang unang milestone ng Malampaya Phase 4 drilling campaign, kasama ang Camago-2 at Bagong Pag-asa wells, na susundan ng Camago-3 at Pag-asa Exploration well upang tuklasin pa ang potensyal na gas resources.