--Ads--

Ikinagalak ng Tourism Office ng City of Ilagan ang muling pagkilala sa lungsod matapos itong magwagi bilang ASEAN Clean Tourist City, isang prestihiyosong parangal na iginagawad sa mga lungsod na may mataas na pamantayan sa kalinisan, kaayusan, at pangangalaga sa kapaligiran.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Tourism Officer Ma. Cristina Simon, sinabi niya na lubos ang kasiyahan, mataas ang morale, at ramdam ang pride hindi lamang ng lokal na pamahalaan kundi maging ng mga residente ng lungsod dahil sa muling pagtanggap ng naturang award sa ikatlong pagkakataon.

Ayon kay Simon, maituturing na “Hall of Famer” ang City of Ilagan matapos nitong unang makuha ang parangal noong 2022–2024, at muling makilala para sa cycle na 2026–2028, patunay ng tuloy-tuloy at hindi napuputol na mga programa ng lungsod sa kalinisan at sustainable tourism.

Dagdag pa niya, tanging ang City of Ilagan lamang ang lungsod mula sa Cagayan Valley na nakapasok sa naturang listahan at isa lamang sa limang lokal na pamahalaan sa buong bansa na ginawaran ng ASEAN Clean Tourist City Award.

--Ads--

Aniya, ang pagkilalang ito ay patunay ng nagkakaisang pagsisikap ng LGU, mga frontliner, barangay officials, at ng buong komunidad sa pagpapatupad ng mga programa sa solid waste management, urban greening, disaster preparedness, at eco-friendly tourism practices na nakatuon sa kapakanan ng mga residente at turista.

Tiniyak naman ni Simon na ipagpapatuloy ng pamahalaang lungsod ang mga nasimulang proyekto at inisyatibo para sa mas maunlad, ligtas, at malinis na Ilagan. Layunin din aniya ng lungsod na magsilbing modelo o huwaran sa iba pang LGU upang hikayatin silang ipatupad ang kahalintulad na sistema para sa isang mas malinis at sustainable na pamayanan.