Itinutulak ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagpasa ng matagal nang panukalang Magna Carta for Barangays, na naglalayong bigyan ng mas matibay na proteksiyon, benepisyo, at pagkilala ang mga opisyal ng barangay bilang pangunahing frontliners ng gobyerno.
Ang panukala, kabilang ang House Bill No. 3533 na inakda ni Speaker Dy, ay naglalayong mapabuti ang sahod at benepisyo ng Punong Barangay, Kagawad, SK officials, at barangay personnel; masiguro ang sapat na pasilidad tulad ng barangay halls at health centers; at patatagin ang barangay bilang pangunahing yunit ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Speaker Dy ang malawak na responsibilidad ng mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno, paggawa ng ordinansa, pamamagitan sa alitan, at katuwang sa peacekeeping at law enforcement, lalo na noong pandemya ng COVID-19.
Inaasahan ni Speaker Dy na sa suporta ng House Committee on Local Government–Subcommittee on Local Officials and Personnel, maisusulong ang panukala sa 20th Congress, bilang bahagi ng mas malawak na bisyon para sa Bagong Pilipinas.





