Sumuko si Albuera, Leyte Mayor Rolan “Kerwin” Espinosa kasama ang dalawa pang akusado sa National Bureau of Investigation (NBI) Cebu nitong Huwebes, Pebrero 5.
Ito ay matapos maglabas ng arrest warrant ang Cebu Regional Trial Court (RTC) Branch 14 laban sa kanila kaugnay ng kasong murder. Walang piyansa ang inirekomenda sa kaso.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Raymund Palad, nasa Cebu na si Espinosa isang araw bago lumabas ang warrant at handa nang sumuko. Kinumpirma rin ng NBI Central Visayas na dalawang iba pang akusado ang sabay na sumuko kasama ng alkalde.
Nanindigan naman ang kampo ni Espinosa na inosente ang mayor. Sinabi ni Atty. Palad na nakausap nila ang pamilya ng biktima na nagtataka kung bakit nadadamay si Espinosa sa kaso. Umaasa umano sila na agad na maisalang sa arraignment at posibleng iurong ng pamilya ang demanda.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Atty. Mary Louise B. Reyes, legal counsel ni Vice Mayor Mariel Marinay (kapatid ni Espinosa), na ang kaso ay nasa hurisdiksiyon na ng korte at hindi pa maaaring talakayin ang detalye. Giit niya, boluntaryong sumuko si Espinosa at handang harapin ang mga paratang sa tamang proseso ng batas.
Si Espinosa ay naging kontrobersyal noong 2016 matapos ma-link ang kanyang pamilya sa illegal drugs sa ilalim ng administrasyong Duterte. Noong Abril 2025, nakaligtas siya at ang kanyang kapatid na si Mariel sa isang pamamaril habang nangangampanya, at kalaunan ay nanalo sa halalan bilang mayor at vice mayor ng Albuera.
Sa ngayon, nakadetine si Espinosa sa Cebu City Jail habang hinihintay ang kanyang arraignment. Inaasahang pansamantalang pamumunuan ni Vice Mayor Mariel Espinosa-Marinay ang bayan bilang acting mayor.










