Ilang buwan matapos na limitahan ang kapasidad ng Ipil Bridge sa Echague, Isabela, inaasahan na ang pagtatayo ng parallel bridge sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Inno Dy, sinabi niya na noon pang nakaraang taon nilimitahan ang pagpasok ng mga mabibigat na sasakyan sa Ipil Bridge dahil sa ilang minor damage nito.
Ngayong taon, inaasahan ang construction ng parallel bridge sa Barangay Ipil na pangungunahan ng DPWH at posibleng matapos sa Pebrero o Marso sa susunod na taon.
Maliban dito, patitibayin din ang Old Ipil Bridge upang kahit papaano ay madagdagan ang kapasidad ng tulay.
Tiniyak naman ng DPWH na hindi makakaabala sa mga motorista at daloy ng trapiko sa lugar ang pagtatayo ng parallel bridge kaya’t walang dapat ikabahala ang mga motorista.
Siniguro rin ni Mayor Inno na anumang detalye ng proyekto ay maibabahagi o maipapaalam sa publiko.
Samantala, may ilang mga motorista, partikular na mga truck at bus operators, ang nagrereklamo dahil sa mas malayong biyahe dulot ng pagsasara ng Ipil Bridge para sa mga heavy vehicles.
Sa katunayan, nagkaroon na rin ng limitasyon sa bilang ng mga malalaking sasakyan na pumapasok sa Echague dahil sa pagbabawal sa mga ito.
Sa ngayon, hinihiling niya ang pang-unawa ng mga motorista dahil ang tanging daan na maaaring daanan ay ang Echague-San Isidro Road, kahit pa hindi talaga nadisenyo ang mga kalsada sa mga barangay para sa pagdaan ng mabibigat na sasakyan.











