Nadakip ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na lalaki na wanted sa kasong panggagahasa sa Brgy. Matusalem, Roxas, Isabela, nitong ika-7 ng Pebrero.
Kinilala ang suspek na si alyas “LJ,” 18-anyos, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar. Siya ay itinuturing na Number 4 Regional Most Wanted Person.
Ayon sa ulat ng pulisya, nahaharap ang suspek sa tatlong bilang ng kasong Statutory Rape at dalawang bilang ng Acts of Lasciviousness.
Dahil sa bigat ng kasong Statutory Rape, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan. Samantala, itinakda sa P180,000 ang piyansa para sa kasong Acts of Lasciviousness.
Ayon kay Police Colonel Manuel Bayani Bringas, Acting Provincial Director, ang pagkakadakip sa suspek ay patunay ng matibay na paninindigan ng kapulisan na papanagutin ang mga sangkot sa mabibigat na krimen, lalo na ang mga may kinalaman sa pang-aabuso laban sa kababaihan at mga bata.
Binigyang-diin din niya na hindi kukunsintihin sa lalawigan ang anumang paglabag sa batas at sa karapatan ng mamamayan.











