--Ads--

Naisampa na ang 2 counts ng kasong murder laban sa dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang Senior Citizen noong Hulyo 9 sa Benito Soliven, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ronnie Heraña. Chief of Police ng Benito Soliven Police Station, sinabi nito na kasalukuyan nang nakakulong ngayon ang dalawang suspek matapos masampahan ng kaso.

Aniya, anak ng isa sa mga biktima ang live-in partner ng pangunahing suspek kung saan ang krimen ay nag-ugat sa alitan ng mag-partner.

Nais umano ng suspek na makipag-ayos sa kanyang kinakasama subalit pinipigilan ito ng ina ng babae, dahilan upang magkimkim umano ang suspek ng sama ng loob.

--Ads--

May pagkakataon din aniyang umabot na sa barangay ang kanilang mga pagtatalo at isang linggo bago ang insidente ay hindi na umano nagkakausap ang mag-live-in partner.

Lumitaw din sa imbestigasyon na bago ang krimen ay nag-inuman ang suspek kasama ang pinsan nito.

Nang makaubos ng ilang bote ng alak ay napagdesisyunan ng dalawa na  magtungo sa bahay ng mga biktima kung saan habang natutulog ang mga ito ay unang tinaga ng pangunahing suspek ang kanyang biyenan sa leeg gamit ang itak. Nang magising ang kinakasama ng biktima ay pinagsasaksak din  ito at nagtamo ng tatlong saksak sa katawan.

Ayon pa kay Heraña, wala umanong personal na alitan ang ikalawang suspek sa mga biktima at nahikayat lamang itong sumama sa krimen matapos ang kanilang pag-inom.

Sinabi rin ng opisyal na magkahiwalay ang tirahan ng pangunahing suspek at ng mga biktima.

Samantala, sinabi ni PCapt. Heraña na patuloy na pinalalakas ng kanilang himpilan ang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay upang agad na matugunan ang mga naiuulat na alitan at hindi na humantong sa karahasang tulad ng nangyari.

Idinagdag din niya na ito na ang ikalawang seryosong insidente ng karahasan na naitala sa Benito Soliven ngayong taon matapos ang isang shooting incident noong Abril, kung saan naaresto at nakulong na rin ang suspek.