Naghain ng reklamo ang 15-anyos na dalagita laban sa isang barangay kagawad matapos umano siyang makaranas ng paulit-ulit na pang-aabuso sa magkakahiwalay na pagkakataon sa barangay sa Cabatuan, Isabela.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagtungo noong Hulyo 2, 2026 sa Cabatuan Police Station ang menor de edad kasama ang kanyang ama at isang kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) upang pormal na idulog ang kanyang reklamo.
Sa kanyang salaysay, sinabi ng dalagita na ilang beses umano siyang nakaranas ng hindi kanais-nais na paglapit at paghipo mula sa suspek sa magkakaibang panahon mula Disyembre 2025 hanggang Hunyo 2026.
Isa sa mga insidenteng kanyang inilahad ay nangyari habang siya ay natutulog sa bahay ng isang kaibigan, kung saan umano niya napansing may gumagawa ng hindi nararapat sa kanya. May iba pang magkakahiwalay na pangyayari na iniulat ng biktima na nagdulot umano sa kanya ng takot at pangamba para sa kanyang kaligtasan.
Dahil sa mga alegasyon, isinailalim ang menor de edad sa iba’t ibang intervention kabilang ang medical examination, psychological assessment at counseling sa tulong ng mga social worker at health personnel ng lokal na pamahalaan.
Batay sa mga dokumentong inihanda ng mga awtoridad, nakatakdang isampa sa Cauayan City Prosecutor’s Office ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act laban sa inirereklamong opisyal.
Patuloy namang isinasagawa ng mga kinauukulang ahensya ang kaukulang imbestigasyon kaugnay sa naturang reklamo.











