Ipinag-utos ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) sa Isabela Police Provincial Office o IPPO ang mas pinaigting na seguridad para sa pamilya ng nasawing 2013 Miss Philippines Earth Runner-Up na si Lullete Jane Dela Cruz, na nasawi sa pamamaril noong ika-13 ng Pebrero sa bayan ng San Manuel, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman Ysmael Achenza, Sr. ng IACTF, sinabi nitong itinuturing nilang isolated case ang naturang insidente sa lalawigan. Gayunman, kinakailangan pa ring bantayan ng mga kapulisan ang pamilya ng biktima at ang mismong lugar na pinangyarihan ng krimen upang matiyak na hindi na ito maulit.
Mayroon aniyang anim na pulis na magbabantay sa lugar habang mananatiling naka-alerto ang iba pang kapulisan sa pagtugis at pag-aresto sa sinumang responsable sa krimen.
Sa ngayon, nananatili pa ring under investigation ang insidente.
May mandato na rin aniya sa San Manuel Police Station na paigtingin ang police visibility, kung saan bawat barangay at maging sa mga pangunahing kanto ay kinakailangang may nakatalagang pulis sa anumang oras.
Dagdag pa rito, naglaan din umano ng karagdagang pabuya ang IACTF sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon laban sa suspek.
Ito ay bukod pa sa nauna nang inihayag na reward mula sa Alkalde ng San Manuel at isang Board Member ng lalawigan na umabot na sa halagang 150,000 pesos.
Gayunman, hindi na binanggit ni Chairman Achenza ang eksaktong halaga ng karagdagang reward mula sa kanilang hanay. Nilinaw naman niya na malaking tulong ang nalikom na pondo upang mapanagot ang responsable at maibigay ang hustisya sa nasawing biktima.










