Handang maglaan ng panibagong ₱100,000 na pabuya ang Alkalde ng San Manuel, Isabela para sa ikadarakip sa isa pang gunman na bumaril at pumatay kay Miss Philippines Earth 2013 Lullete Jane Ramilo-Dela Cruz.
Matatandaang una nang naglaan ng ₱100,000 na pabuya si Mayor Faustino “Dondon” Dy IV kasunod ng naturang krimen upang mapabilis ang pagkakadakip sa mga suspek. Bukod pa ito sa mga reward na ipinagkaloob ng ilang opisyal sa lalawigan.
Nitong Lunes, Nobyembre 23, naaresto ng mga awtoridad sa Cainta, Rizal ang isa sa mga hinihinalang gunman. Gayunman, patuloy pa ring tinutugis ang isa pang suspek na umano’y kasama nito sa pamamaril.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Dy, sinabi nitong nakausap na niya ang hepe ng San Manuel Police Station kaugnay sa pagbibigay ng pabuya sa indibidwal na nakatulong sa pagtukoy at paghahanap sa naarestong suspek.
Gayunman, dahil malawakan ang naging manhunt operation, ang regional office na umano ang makikipag-ugnayan sa alkalde kaugnay sa naturang pabuya.
Wala pa rin umanong pinal na napag-uusapan hinggil dito dahil prayoridad muna ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa salarin.
Dahil isa pa lamang sa dalawang suspek ang nadakip, nagpahayag si Mayor Dy ng kahandaang maglaan muli ng ₱100,000 na pabuya para sa ikadarakip naman ng isa pang gunman.
Bagama’t ilang buwan na ang nakalipas mula nang mangyari ang krimen, ikinatuwa pa rin ng alkalde ang pag-usad ng imbestigasyon at pagkakadakip sa isa sa mga suspek.
Umaasa naman siya na sa lalong madaling panahon ay tuluyan nang mahuhuli ang lahat ng sangkot upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng naturang beauty queen.










