Nauwi sa madugong insidente ang isang inuman matapos saksakin ang isang drayber ng kanyang nakainuman pasado alas-12:00 ng hatinggabi ngayong araw, February 22 sa Barangay Buenavista, Santiago City.
Kinilala ang biktima sa alyas na Timo, 33-anyos at residente ng San Mateo, Isabela.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang biktima at ang suspek habang nasa kalagitnaan ng inuman.
Sa gitna ng komosyon, umano’y bumunot ng bolo ang suspek na kinilalang si alyas kokoy, 44-anyos at residente ng San Mariano, Isabela, at sinaksak ang biktima sa kanang hita.
Agad na dinala sa ospital ang biktima at kasalukuyang nagpapagaling matapos magtamo ng tama ng saksak. Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang bolo na hinihinalang ginamit sa krimen.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis at naaresto ang suspek.
Sa kasalukuyan, nasa kostudiya na Ng Pulisya ang suspek at mahaharap sa kasong Frustrated Murder.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye at ugat ng insidente.











