--Ads--

‎Pormal nang inilunsad ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) ang ‘Bantay Bahay’, isang pasilidad na naglalayong mabigyan ng maayos at ligtas na tuluyan ang mga bantay ng pasyente habang nagpapagamot ang kanilang mahal sa buhay.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Butch Loreto Garcia III, OIC Medical Center Chief ng SIMC, itinayo ang Bantay Bahay sa gilid ng Building 1 ng ospital at may kapasidad na humigit-kumulang 40 katao.

‎Ipinahayag ni Dr. Garcia na prayoridad ang mga bantay ng pasyenteng nasa Intensive Care Unit (ICU), habang ang iba ay ilalaan sa iba’t ibang departamento ng ospital.

‎Binanggit din niya na ang pasilidad ay binubuo ng anim na silid na may tig-tatlong double-deck na kama at dalawang silid na may kapasidad na walong katao bawat isa.

--Ads--

Ayon kay Dr. Garcia, layunin ng proyekto na mabigyan ng libreng tulugan ang mga bantay upang mabawasan ang kanilang gastusin habang nagpapagamot ang kanilang mahal sa buhay.

Tiniyak din ng pamunuan na maayos ang seguridad at kaligtasan sa lugar.

‎Aniya rin, inihanda ng SIMC ang mga alituntunin upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa paggamit ng pasilidad at may plano ring hatiin ang mga kuwarto ayon sa departamento tulad ng medical at iba pang kaugnay na serbisyo.

‎Matatandaan na pinangunahan ni Dr. Glenn Matthew Baggao ang pormal na pagbubukas ng Bantay Bahay noong Ikalabinsiyam ng Pebrero, bilang bahagi ng pagsisikap ng ospital na mas mapabuti ang serbisyo para sa mga pasyente at kanilang mga kaanak.